50-50: TALAMBUHAY NG MGA PANGUNAHING PERSONALIDAD NG BATAS MILITAR
Manila: Limbagang Pangkasaysayan (
2022)
Copy
BIBTEX
Abstract
Introduksiyon
50-50. Fifty-fifty. Sa bigkas ng mga Pinoy, “pipti-pipti.” Sa kontekstong Pilipino, pantukoy ito sa kalagayan ng taong nasa kritikal na kalagayan. Limampung porsyento ng tsansang makaligtas, limampung porsyento ng tsansang masawi. Kilala ito sa iba pang katawagan sa Pilipinas bilang “naghihingalo,” “nasa bingit ng kamatayan” o “nag-aagawbuhay.” Ganito mailalarawan ang kalagayan ng lipunang Pilipino sa ilalim ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos, Sr. Para sa mga pabor sa Batas Militar at mga loyalista ni Marcos, 50-50 dahil sa banta raw ng komunismo at tangkang pagpapabagsak sa Republika. Para sa mga kritiko’t lumaban sa diktadura, 50- 50 dahil sa pang-aabuso’t paniniil ng rehimen laban sa taumbayan. 50-50. Ito ang sa tingin nami’y nababagay na pamagat ng aklat na ito. Una, ginugunita ng sambayanang Pilipino ngayong 2022 ang ika-50 taong anibersaryo ng Batas Militar. Idineklara ni Marcos noong Setyembre 21, 1972 ang Proclamation 1081 na naglagay sa buong bansa sa ilalim ng kamay na bakal. Pangalawa, itinatampok ng aklat ang 50 personalidad na may mga direkta at aktibong papel para o laban sa Batas Militar. Dalawampu’t lima (25) ang nagmula sa bakuran ng rehimeng Marcos. Bukod sa diktador at kanyang pamilya, sila ang mga pangunahing tagapagbalangkas at tagapagpatupad ng Batas Militar. Kasabwat sila sa kabuuang operasyon ng mga mekanismo ng awtoritaryanismong ito – mapapulitikal, ekonomiko o sosyokultural man. Sila rin ang mga nakinabang, kung hindi man nagpakasasa, sa lahat ng mga ganansyang dulot ng kolaborasyon at paglilingkod sa diktadura. Ang nalalabing 25 ay binubuo naman ng mga humamon at nanindigan laban sa kamay na bakal. Magkakaiba ang kanilang pinagmulan, mga adhikain at dulog sa pagtindig laban sa Batas Militar – armadong pakikibaka, pagkilos sa mga lansangan, paglaban mula sa pulpito, at iba pa.